History of Bagong Silang

Bagong Pag-asa

       Ang dating madawag na kagubatan at walang maayos na daan ay isa na ngayong maunlad at maipagmamalaking barangay ng Lungsod sa Balanga. Ito ay kilala sa tawag na BAGONG SILANG.

        Ang barangay na ito ay sinikap na mabuo bilang pamayanan sa pangunguna ng mga taong may malasakit sa kapakanan ng naturang lugar. Taong 1978 nang dumating as Balanga ang isang pangkat mula sa dating Ministry of Human Settlements na pinamumunuan ni dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos. Kinausap ng grupo na pinangungunahan ni Director Willy Ortaliz ang dating Alkalde ng Balanga Engr. Celso V. Valdecañas. Humanap sila ng isang lugar na maaaring pagtayuan ng proyektong pabahay at sentro ng Sanayang Pangkabuhayan para sa mga Balangueño na nagnanais magkaroon ng tirahan at negosyo tulad ng pagbababuyan at pagmamanukan.

        Nakiusap ang Pamahalaang Bayan ng Balanga sa pangunguna ng Punong Bayan kay Ginoong Teopesto Tiangco, may-ari ng napiling lupa, na magdonate ng siyam (9) na ektarya para sa proyekto. Kusang-loob at dagliang ibinigay nina G. At Gng. Tiangco ang lupa sa Pamahalaang Bayan nang walang binayaran ang pamahalaan.

         Setyembre 1979, isang Memorandum of Agreement ang nilagdaan nina Alkalde Celso V. Valdecañas at ng pamunuan ng Ministry of Human Settlements upang magamit nang nasabing lupa para sa Bagong Lipunan Sites and Services.

    Sa halagang isang milyong piso, itinayo ang may limampung (50) bahay at dalawang palapag na sentro ng sanayang pangkabuhayan. Itinayo sa isang malayong kagubatan sa itaas ng Buenavista Resort at tinawag na BLISS-KKK o Kilusang Kabuhayan at Kaunlaran. Hindi naglaon, ang nasabing lugar ay nakilala sa tawag na BLISS at ito ay naging sitio ng Barangay Tenejero. Dahilan sa pagdami ng mga taong nagtutungo sa lugar na ito para sa pabahay at pagsasanay-pangkabuhayan, unti-unting naging maayos ang daan at nagkaroon ng mga bahay sa paligid ng sentrong sanayan.

        Panandalian lamang ang naging buhay ng proyektong ito dahilan sa pagbagsak ng rehimeng Marcos. Natigil ang operasyon nito dahil sa kawalan ng pondo. Ang lugar ay naging tirahan ng mga iskwater na dumayo roon.

        Sa panahon ng Punong-bayan ng Balanga na si G. Teodoro Alonzo, nagawa niyang maging maayos ang BLISS. Sinikap ni G. Melanio S. Banzon, Jr. (pumalit kay G. Alonzo) na iayos ang paghahati-hati ng lupa. Kaya tuluyan nang dumami ang mga taong nanirahan sa BLISS.

        Dumating ang panahong kailangan nang kilalanin ng pamahalaan ang BLISS bilang isang bagong barangay sa Balanga. Nagharap si Bokal Fernando Austria ng isang resolusyon sa pagpupulong ng Sangguniang Panlalawigan na humihiling na mahiwalay na ang sityo BLISS sa Tenejero at maging isang ganap nang barangay. Ito ay tinawag na Barangay BAGONG SILANG.

        Noong taong 1988, sa bias ng ordinansa na pinalabas ng Sangguniang Panlalawigan ng Bataan, naging ganap na Barangay ng Balanga ang BAGONG SILANG. Si G. Luis Santuyo ang nagging unang Kapitan ng Barangay na sinundan naman ni Punong Barangay at ABC President na si Teddy Austria.

         Ngayon, sa suporta at tulong na ibinibigay ng Pamahalaang Lungsod ng Balanga sa pamumuno ni G. Albert S. Garcia at kanyang mga kasama, ang Barangay BAGONG SILANG ay maituturing na BAGONG PAG-ASA ng mga mamamayang naninirahan na naturang lugar.

Comments